Naging boses ng mga probinsyano ang Ako Bicol, sa pangunguna ni Cong. Alfredo A. Garbin, Jr. at Cong. Ronald S. Ang, nang muli nitong harapin sa isang pagdinig sa kamara ang mga tagapagsalita ng iba’t-ibang ahensya na may kinalaman sa kasalukuyang ipinatutupad na ‘Provincial Bus Ban’ na nagbabawal sa mga pampublikong bus galing probinsya na baybayin ang EDSA.

Anila, ang naturang batas-trapiko ay labag sa kaparaanan ng batas matapos ipatupad nang walang naganap na konsultasyon, at dagdag-pasakit sa mga mananakay na basta na lamang susubuan ng panibagong sistema na hindi man lang pinag-isipan.
Isa sa naging pangunahing paksa ng pagtalakay ay ang pagdulog ng Ako Bicol sa Korte Suprema upang pigilan ang patuloy na pagpapatupad ng naturang batas sa pamamagitan ng isang ‘Temporary Restraining Order’ (TRO).

Ang nasabing hakbang ay ang naging tugon ng Ako Bicol matapos matuklasang ang bagong batas-trapiko ay walang sapat na basehan ayon sa ginanap na pagdinig sa kamara alinsunod sa hiwalay nitong resolusyon na umudyok sa kongreso na magsagawa ng sariling imbestigasyon tungkol sa nasabing batas.


Ang labang ito ay una nating sinimulan at kailanma’y hindi natin titigilan, hangga’t ang hangaring mapabuti ang kalagayan ng bawat isa ay ating mapagtagumpayan!