Pormal nang naghain ng resolusyon sa Kongreso ang Ako Bicol Partylist sa pangunguna ni Rep. Ronald S. Ang kasama si Rep. Alfredo Garbin, Jr. laban sa panukala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na total provincial bus ban sa EDSA.
Dati nang inihayag ng MMDA at magiging epektibo ngayong Abril ang kanilang panukala ng pagbabawal sa mga provincial buses at tuluyang pagsasara ng mga provincial bus terminals sa EDSA na naglalayong mabawasan ang traffic sa nasabing kalsada.

Ang mga provincial buses na magmumula sa Norte ay hanggang sa terminal na lamang sa Valenzuela City, samantalang ang magmumula sa Southern ay ang terminal naman sa Santa Rosa Laguna ang gagamitin.

Ngunit ayon sa resolusyon na inihain ni Rep. Ang ngayong araw, ipinatupad daw nang walang pampublikong konsultasyon ng Metro Manila Council (MMC) ang panukala ng MMDA na pagbabawal na pag-isyu ng business permits sa mga pampublikong sasakyan na dumaraan sa EDSA.

Ayon sa datos ng MMDA noong 2017, mayroong 3,300 provincial buses, 12,000 city buses, at mahigit 247,000 na pribadong sasakyan ang dumaraan sa EDSA araw-araw at ang mga ito ang sumasakop ng matinding trapiko kung kaya’t sinasabi ng resolusyon na hindi pa napapatunayan na ang mga provincial buses at provincial bus terminals nga ang totoong nagkapagdulot ng traffic sa EDSA.
Sa kabila ng layunin ng MMDA na mabawasan ang trapiko sa Metro Manila, sinasabi ng resolusyon na magdudulot lamang ito ng dagdag perwisyo sa mga bumabyahe at mailipat lang ang trapiko sa ibang lugar. Mas mahihirapan din bumyahe ang mga pasahero dahil sa dagdag oras na byahe at dagdag bayad sa pamasahe.

Mungkahi ng Ako Bicol na magkaroon ng solusyon ang MMC at MMDA sa pagkakaroon maayos at maginhawang mode of transportation para mabigyang prioridad ang mga pasaherong sumasakay sa mga pampublikong sasakyan at nang sa gayon ay mahikayat na rin ang mga gumagamit ng pribadong sasakyan na gumamit ng pampublikong sasakyan.

Hiling ng partylist na magbigay ang MMC at MMDA ng mas malinaw na resolusyon nito sa publiko at hingiin ang pampublikong konsultasyon upang mas maintindihan ang problema at maresolba nang isinaalang-alang ang boses ng publiko.